Dahil inspirado akong gumamit ng sariling wika, isinulat ko ang blog na ito sa paraang alam ko, sa mga salitang nahahagilap ko habang isinusulat ang tumatakbo sa aking isipan tungkol sa napaka-insightful (yan hindi ko na kinayang tagalugin) na College Radio Congress ng U.P. College of Mass Communication, na bilang isang educator ay ipinagpapasalamat kong akoy naimbitahan, ipinadala (ng STI College Ortigas-Cainta) kaya ako ay mas lalong namulat sa aking larangan. Subalit ipagpaumanhin ninyo kung ganitong format at pagkakasulat lang ang aking nakayanan.
Alam kong madaming mali sa grammar at lexicon, lalo na kung i-edit ito ng isang bihasa sa Wikang Filipino, pero ito ang unang subok ko na magsulat ng pormal na teksto sa sarili kong wika. Isa itong struggle para sa akin, sapagkat hindi ko alam kung tama pa ba ang translation ng mga Filipino words na ginamit ko o gawa-gawa ko na lang ba ang iba? Isa akong Batangueño at madami din akong alam na malalalim na Tagalog. Katunayan, matatagpuan sa aking archive ang listahan ko ng mga salitang ayaw kong malimutan ng susunod na lahi,Batangueño Dialect pero aminado akong sa madaming pagkakataon ng aking pagsulat nitong akdang ito, hindi ko na mapiga ang utak ko kung saan ko kukunin ang ibang salitang hindi ko mahanapan ng translational equivalent.
At gaya ng mga aral na ayaw kong malimutan, at pede kong balik-balikan lalo na kung dapat ko itong ibahagi sa iba,sa blog na ito ay aking isinulat ang aking mga bagong natutunan. Maraming Salamat sa minamahal kong Unibersidad, ang Unibersidad ng Pilipinas lalo na sa minamahal kong kolehiyo, ang College of Mass Communication sa pagtuturo at pag-gabay sa aming mga guro mula sa iba’t-ibang unibersidat at kolehiyo sa buong bansa kasama ng aming mga magaaral. Salamat din sa Co-chair ng PCRC, kay Prof. Jane O. Vinculado para sa mainit na pagtanggap sa amin at para sa pagpayag na ako ay magsulat sa aking blog tungkol sa event.
Mga Bagong Salita at Konsepto na Aking Natutunan Mula sa Komisyon sa Wikang Filipino
“Ma’am, ano pong meaning ng paglilimi?”, tanong sakin ng aking estudyanteng si Sherwin habang kami ay nakaupo sa loob TV Studio B (Media Center) ng Unibersidad ng Pilipinas, College of Mass Communication kung saan ginanap ang Philippine College Radio Congress (PCRC) noong November 28-29, 2017.
Dahil ang librong pagpaplanong Wika at Filipino ay nakasulat sa dalawang lengwahe (bilingual), ang Ingles at Filipino, in other words, may translation, nalaman namin na tama nga ang hula ko na ang ibig sabihin ng paglilimi ay “reflecting on something”. Salamat sa mga librong ito na alam kong maraming bagong salita at konsepto ang maituturo sa amin. Sa katunayan, habang ako ay naghihintay o nagpapahinga, binabasa ko ang mga nais ipabatid ng mga aklat.
Tapos ko na ngang basahin ang monograph ni Sir Randolf S. David na pinamagatang, “Ang Lipunang Filipino: Isang Paglilimi Ukol sa Modernisasyon at Globalisasyon. Dahil isa akong language major at language enthusiast, isa itong napaka-interesting na paksa para sa akin. Pagkatapos ko itong mabasa, ako ay namulat na ang kailangan nating mga Filipino ay malaman at maunawaan kung ano ba talaga ang nangyayari sa lipunan natin bago natin mabago ang mundo, ayon ito kay Sir David . Nabanggit na din daw (ika niya) ito ng philosopher na si Marx: “Politicians and revolutionaries of every generation have tried to change the world in various ways. The point however is to understand what is happening to this world.”
Ano nga ba ang tunay na nangyayari sa atin? Dalawang punto ang nakatawag ng pansin sa akin sa monograph ni Sir David na aking nabanggit, una ang sinabi niyang:
“Madami ding bansa ang walang pakundangang ipinagpapalit ang taglay na kagandahan ng kanilang kultura’t lipunan at kapaligiran matamo lang ang mga material na biyaya ng kaunlaran. Itinataya ang kapakanan ng kanilang pamilya at pamayanan kapalit ang isang kinabukasang hitik man sa material na biyaya ay salat naman sa kahulugan” p. 16.
Ako ay sumasang-ayon sa kaniyang naturan. Isa ako sa mga mamayan na malimit magdalawang isip kung ano ba ang aking lalandasin? Isang buhay na marangya pero malayo sa aking pamilya at malayong malayo sa pinangarap kong bokasyon ayon sa aking kapasidad at talento o isang buhay na makahulugan para sa akin pero may pagka-salat pa din?
Ang isa pa at pangalawang punto na nakapukaw sa akin ay ang kanyang sinabi tungkol sa kung paano laganap ang “pangingibabaw ng pera at merkado sa halos lahat ng larangan ng buhay. Ang sukátan ng pagganap ng bawat institusyon sa lipunan ay tila iisa lamang-kung magkano ang kikitahin. Isipin na lang kung ano ang epekto nito sa mga eskuwelahan, sa mga ospital, sa sining,siyensiya, sa relihiyon, at mismong sa loob ng pamilya” (p. 17).
Ako ay napatayo mula sa aking pagkakahiga ng mabasa ko ang puntong ito. Oo nga naman, saan papunta ang buhay natin at ng mga susunod na henerasyon kung ganito ang ating sukatan. Isa itong nakakatakot na direksyon sapagkat para sa akin mawawalan ng saysay ang function ng bawat institusyon at mahihirapang maging totoo sa kanilang mga dapat gampanan at layunin. Mawawala ang malasakit at baka mapalitan ng panlalamang. Mas lalong dadami ang nananamantala at ano pang titiisin ng mga kaawa-awa.
Natapos ko ng basahin ang isang libro, ngayong naliwanagan ako sa ating lipunan, ano ang magagawa ko?
Wikang Filipino sa Brodkasting
Bilang isang communicator at language major na din, natutunan ko mula sa speech ni Sir Jerry B. Grácio, isang senior writer sa ABS-CBN at Commissioner for Samar-Leyte Languages at the Komisyon sa Wikang Filipino, na ang salitang brodkasting sa wikang Filipino ay nakatulong para lumaganap ang wikang Filipino. Ayon sa kanya Filipino ang wika ng bayan, ito ay wikang buhay. Hindi tayo dapat matakot manghiram sa wikang global, ang Ingles. Natutunan ko din ang Filipino English code-switching o Taglish ay hindi nangangahulugan ng bulagsak na gamit sa wika sapagkat dahil sa globalisasyon, hindi naman natin mapipigilan ang panghihiram sa Ingles.
Subalit bago tayo manghiram sa iba, bakit nga naman tayo hindi manghiram sa ibat-ibang katutubong wika sa ating bansa gaya ng Cebuano o Ivatan. Mas maige raw na pag-ugnayin o iintegrate ang mga wikang katutubo sa ibat’ ibang rehiyon ng bansa at paunlarin ito ng magkakasabay.
Subalit paano natin gagawin ito ang tanong ko kung karamihan sa atin ngayon hindi naman talaga pamilyar sa wikang Filipino lalo na sa mga malalim na salita? Bakit nga ba raw tayo aral ng aral sa Ingles samantalang Filipino naman ang wikang gagamitin sa broadkast? Kailangang mapromote ang pagsasalita ng Filipino hanggang sa maging natural ito. Hindi ibig sabihin na globalized na ang mundo ay kakalimutan mo na ang uniqueness ng iyong kultura ika nga ni Sir.
Sir Jerry B. Grácio at PCRC 2017
At dahil writer din si Sir na nakatanggap ng madaming awards sa panitikan gaya ng Palanca Memorial Awards for Literature, National Book Awards from the Manila Critics Circle, The University of the Philippines Centennial Prize for Literature, and Southeast Asia Award, the most prestigious prize given to Southeast Asian writers, isang pribelihyo para sa amin ang magpapicture sa kanya at magkaroon ng pagkakatong makausap sya sapagkat nangangarap din kaming makasulat ng makabuluhang literary works.
Atty. Roland Antonio O. Guia, Jr.
With my Two Creative Groupmates.
Bakit ko sinabing simple pero complex? Dahil ito sa simpleng simple at malinaw na pagkaka-paliwanag ng speaker, si Atty. Roland Antonio O. Guia, Jr. (senior lecturer of the College of Mass Communication). Paano nga ba ito dapat ipractice? Simple, ang sagot, sabi nga ni Sir, keep it simple. Paano? “Discernment” ang sagot. Mag-pause muna bago magsulat o kaya ay magsalita. Alamin muna ang batas, gaya ng Libel, Anti-Bullying Act, o kaya Anti-Cyber Bullying Act.
Bakit ko din sinabing isa itong complex na usapin? Bilang isang blogger, isa ako sa mga takot na basta basta magsulat na kung anong nasa utak, o kumuha ng impormasyon, picture, o video kung saan saan dahil alam kong may mga batas akong pedeng maviolate gaya ng copyright infringement, plagiarism at madami pang iba. Kaya hesitant ako minsang magsulat or magpublish, lalo na sapagkat alam kong dapat kong basahin at intindihin ang kalakaran sa “fair use”. Kaya nga dapat siguro naisip ko, mag-exert talaga ng effort na magbasa bago umaksyon. Easier said than done? Siguro minsan, lalo na kung hindi mo masyadong maintindihan ang batas at kung mahaba haba ang dapat mong basahin, pero kailangan, kaya dapat gawin. Tungkol naman sa mga sitwasyon na hindi pa natatalakay sa batas sa bilis ng pagunlad ng teknolohiya sa ngayon, walang pinaka-magandang gawin kundi timbangin kung tama ba o mali ang ating aksyon. Ilan ito sa aking mga natutunan sa usapin ng multimedia ethics. Salamat Sir.
Atty. Roland Antonio O. Guia Jr.
Master Class mula sa mga Eksperto
Teaching Production Classes
Dahil sa master class about “Teaching production Classes” ni Prof. Fernando ‘Jun’ A. Austria, Jr. na experienced sa field ng commercial communications, advertising, directing at isa ring senior lecturer sa Department of Broadcast Communication ng U.P. College of Mass Communication, natutunan ko kasama ng iba’t-ibang guro sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas ang isang engaging at makabuluhang pagtuturo ng production classes. Kung dati, struggle sakin kung paano ko iisa-isahin sa aking mga estudyante ang mga concepts, elements, ng isang produksyon bago ko pa ito maipa-experience sa kanila, ngayon, pagkatapos ng aming master class, naramdaman kong exciting pala itong ituro kung gagamitin ko ang kanyang pamamaraan.
Paano nga ba ito ituro? Sympre dapat munang ibreakdown ang production sa pamamagitan ng pagsisimula sa pagtalakay ng elements nito. Ibreakdown ang smallest elements pagkatapos magprovide ng samples. Discussion na ang kasunod nito, discussion ng components at function at i-integrate ang activity. Hayaan itong maexperience ng estudyante. Tapos ipaliwanag kung saang konsepto nakapaloob ang natutunan. Pagkatapos ng paghimay ng bawat elemento, pagsama-samahin ito. Ang pinakahuli ay ang critique. May tama ding paraan ng pagawa nito. Punahin lamang ang behavior na pedeng maimprove. Wag magsimula sa negatibo. Ilan lang ito sa natutunan ko sa kanya.
With Sir Jun and the participants
Kagaya ng activity na ginawa naming kung saan nagcritique kami ng concept treatment ng isang music video at kung saan din sa pamamagitan ng pakikinig sa isang instrumental music, nakabuo kami ng konsepto, isang concept treatment para sa musikang ito. Sa palagay ko, ito ang halimbawa ng pagbreakdown ng elements para maintindihan naming kung paano ang pagpili ng isang concept treatment ay naayon sa music o kung paanong ang isang klase ng music ay maraming pedeng maging concept treatment. Isang activity na nakapagpalawak sa aming imahinsayon at humamon sa aming creativity. Dahil dito, mas naunawaan naming ang bawat element ng music video at mas na-experience namin ang bawat element nito na napakalaking tulong bago mo ito pagsama-samahin at gawing isang napakagandang piece. Isang napakagaling na paraan ng pagkilala at paghihimay sa elementong bumubuo sa isang produksyon upang lubos na maunawaan ang kagandahan at kabuluhan ng isang piece. Salamat po Sir Jun sa isang napakasayang experience naming sa inyong klase.
Teaching Communication and Media Theory
Dito, medyo nagbago ang paniniwala at paninidigan ko, isama pa ang aking pagkwestyon sa disiplinang aking pinang-galingan. Subalit sabi nga ng aming magaling na lecturer na si Dr. Elizabeth L. Enriquez (full professor at the UP Department of Broadcast Communication) (sa aking pagkakaintindi) sa ganitong mga tanung nanduon ang pagiging mas bukas sa pag-alam sa iba’t iba pang konsepto na pedeng lalong makalito o makasagot.
Bakit nga ba natin pinagaaralan at pilit pinaiintindi sa ating mga estudyante ang theory na para sa isang nag-aaral nito ay medyo may pagka-boring dahil may pagka-abstract? Sapagkat mas mauunawaan natin ang mundong ating ginagalawan sa pamamagitan ng gabay ng lente ng mga theories.
Bago ako pumasok sa lecture, natanung ng estudyante ko kung ang media theory daw ba o communication theories ay yung mga theories ng communication process? Sinubukan ko syang sagutin pero sa isip ko saan papasok ang alam kong mga theories sa linguistics na sa tingin ko ay pasok naman din sa pag-analyze sa media gaya ng semiotics o multimodal analysis. Bakit parang naghalu-halo sila sa utak ko. Pagkatapos ng lecture, nagkaroon ako ng maayos na mapping sa utak kung saan saan sila naka-patas base sa kung kaninung typology ang ginamit mo. Sa typologies pa lang na binanggit ni Ma’am, alam ko na kung saan nakapasok ang communication process na sinasabi ng student ko at ang mga theories sa linguistics na gumugulo sa utak ko. In other words, nasolve ang tanung sa utak ko pagkatapos ng discussion. Talagang itatago ko ang notes ko sa lecture nya.
Dahil din sa lecture ni Ma’am, narefresh ako sa ibig sabihin ng mga terms na positivist, ontology, paradigm epistemology atbp na talaga namang nakakadugo ng ilong bago ko naintindihan. Napagkonek-konek ko din at narecall ang mga natutunan kong theories sa linguistics at literature na dati ay sabog sabog o kalat kalat sa utak ko.
Panalo ang pagtatapos ng lecture na ito sapagkat feeling ko na-isahan ako ng konsepto ng defamiliarization sa sample activity ni Ma’am kasi hindi ko to nakita. Bakit di ko to naalala eh naaral na namin to dati? Ang galing! Ganun pala ang konseptong iyon! Salamat po Ma’am at sa sunod kong pagtuturo ng theories, susubukin kong ipasok ang mga bago kong natutunan.
Kabuuan ng Experience sa PCRC
Kagaya ng theme nung nakaraang taon na “building connections”, isang karangalan ang makasama at makipag-usap sa iba’t ibang participants galing sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas kahit pa nga sa ibang bansa. Gaya ng managing editor (English to Asia) ng Voice of America na bibigyan kami ng pagkakataong masubukan ang kanilang mga programa.
With the managing editor (English to Asia) of Voice of America
Bagong kakilala na dating schoolmate mula sa Sosyolohiya at Main Library.
Bagong kakilala mula sa aking pinagmulang disiplina, and Devcom, kung saan Devcom din daw ang kanyang ama.
Kasamahan sa Trabaho, Ma’am Cherry Rojo, kuha sa napakagandang campus ng Unibersidad ng Pilipinas
Hanggang sa susunod na makabuluhang talakayan, PCRC. Maraming Salamat. Mabuhay kayong lahat ng bumubuo ng event! Salamat din sa aming program head, academic head, school administrator sa pagkakataong ito. Salamat STI College Ortigas-Cainta.
Reference:
David, R. S. (2017). Ang lipunang Filipino: Isang paglilimi ukol sa modernisasyon at globalisasyon. Manila: Komisyon sa Wikang Filipino. Binasa sa Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino [International Congress on Philippine Studies] 2-4 Agosto 2017, Pambansang Museo, Manila.
Comments
Post a Comment