Batangueño Words You Haven’t Heard Before: Uncovering Another Dialect of Tagalog

Dahil sa A Love to Last na serye, malimit akong tinatanung ng mga kaibigan, estudyante at kakilala ko kung totoo daw bang ganun ang punto at salita ng mga Batangueño? Well, may mga part na nakakarelate naman ako sa punto at salita kagaya halimbawa ng Mommy na sa Batangas ay mame talaga. Pero kagaya ng ibang accent o punto, nagbabago ito o nagiiba kapag ikaw ay tumawid na ng ilog, dagat, o sa guyod na o remote na lokasyon.
Ang post na ito ay inaalay ko sa aking mga kaibigang guro ng Filipino at kay Ginoong Makata na inspirasyon ko sa pagtuturo ng sariling wika sa mga kabataan. Madalas naririnig ko sa ibang mga nagtuturo na karamihan satin ngayon kung hindi na nga fluent sa English hindi pa rin fluent sa sarili nating wika sa madaming kadahilanan, dahil sa kultura, impluwensya, teknolohiya, modernisasyon, globalisayon, history ng kolonisasyon at marami pang iba.

Mga Batangueño words nuong henerasyon o panahon ng aking Nanay o Lola
1. apuyan – ang tawag ng matatanda sa posporo
2. kawot –ang tawag sa sandok
3. tungko– ang tawag sa lutuang kahoy
4. tulyasi – ang tawag sa malaking kawali na malimit nilulutuan sa labas
5. sawing– ang tawag sa salukot na nilalagay sa ulo pag mainit
6. gulok, halabas at karet – ang halabas ay pangtabas o pangtanggal ng damo na mas malaki kesa sa karet, mas mapayat sa halabas na pamputol din sa damo, ginagamit itong panggapas o pamputol sa palay. Ang gulok naman ay kilala sa tawag na itak.
7. bentilador – siguro galing ito sa Spanish word na ventilador. Dahil ang vay b sa Filipino kaya siguro ito naging bentilador. At ang mga matatanda nuon, ito ang ginagamit na salita sa pagtukoy nila sa electric fan.
8. baker – Lalagyan ng kumpay ng baka. Ang kumpay ay ang mga damong kinakain ng baka.
9. takuyan – Ang takuyan ay lalagyan ng palay na nakalagay sa bewang pag nag-aani
10. balaong – lalagyan ng palay
11. tiklis – lagayan ng mga mangga o prutas pagkatapos na anihin
12. papagayo – ito ang tawag sa saranggola o kite
13. supak – pangsubo ng tubig sa baka
14. nanay at mamay – ang tawag sa lola (nanay) at sa lolo (mamay)
15.  busilig – ang tawag sa mata. Halimbawa: Tulog ka ng tulog pulang pula na ng busilig mo.
16. buog –ang tawag sa pagtulog
17. hambo –ang tawag sa pagligo
18. litar – ang ibig sabihin nito ay palayas o mahilig sa gala
19. mamaas maas o uula-ulaga– ang tawag sa taong medyo shoshonga shonga
20. samlang – ang tawag sa burara o damusak na tao
 
Mga Batangueño words na gamit pa din sa kasalukuyang henerasyon
  1. barik– tawag sa lasing. Tara magbarik tayo kunyari ang ibig sabihin ay tara maglasing tayo.
  2. pahili– ang tawag sa taong nagpapayabang o nagpapa-inggit
  3. bilot– ang tawag sa maliit na aso o puppy
  4. balisong– walana atang hindi nakaka-alam ng balisong dahil sikat na ito kahit sa ibang bansa, ang popular na laseta ng Batangas.
  5. guyam – tawag sa langgam
  6. mabanas – tawag sa mainit o maalinsangang panahon
  7. tubal –tawag sa maduming damit
  8. pinaligawan– tawag kapag inalpasan o hinayaang makawala ang alagang hayop
  9. bulungan o baysanan – ang bulungan ay ang usapan ng dalawang partido bago ang kasal at ang baysanan naman ay ang mismong kasalan.
  10. binuyuot- binaluktot o kinusoto ginusot kagaya ng paggusot sa damit
  11. manggalaw – tawag kapag tinutukso ka ng tao sa isang tao, kunyari wag mo nga akong galawin kay Pedro, ibig sabihin, wag mo akong tuksuhin kay Pedro.
  12. palakat – ang tawag sa sigaw kunyari bakit ka ga palakat ng palakat diyan.
  13. buraot –tawag sa maliit
  14. taro – tawag sa timba
  15. nagbuhat – tawag sa kung saan ka nanggaling kunyari Saan ka ga nagbuhat?
  16. ampiyas – tawag kapag nababasa ka ng ulan na dala ng hangin na pumupunta sa kung saan ka nakasilong. Umaangi ang ibang katawagan dito.
  17. nakakarimarim- tawag kapag ikaw ay naasar o naiinis sa tao o sitwasyon
  18. nakakaani – tawag kapag naaasar o naiinis
  19. naglalandi – naglalaro ng tubig o kandila
  20. gaor – tawag kung gustong gumala
  21. sundot saging at sagimis – banana cue ang sundot-saging at turon ang sagimis
  22. pinindot- tawag sa ginataang bilo bilo na walang saging at ube
  23. nakatanghod – nakatingin o nakatunghay sa tao o pagkain
  24. kalikamor – dumi daw na galing sa gubat pero pede ring galis o kuskos balungos
  25. silaban – para kang nagbonfire ng basura o nag-paapoy o nagsunog ng basura or siga in short
  26. nabulita – nalaman
  27. dag-im – pag madilim ang langit o cloudy day
  28. dadagukan – babatukan
  29. murkon – tawag sa embotido
  30. pangkal – tamad
  31. maalwan – ibig sabihin madali, easy or convenient
  32. nilabon – nilaga or pinakuluan, boiled/ Eg. boiled banana (nilabong saging)
  33. liban or lumiban – absent or umabsent sa trabaho o sa school pede ring                                           tawid or tumawid sa kalsada
  34. naglahok na – naghalo na o nagmixed
  35. naluugan –  nabulunan, nabilaukan o nahiringan
  36. balakatak – malakas ang boses kung magsalita o pumutak
  37. naiga – natuyo o naubos ang sabaw (e.g. naiga na ang patis ng sinaing na isda)
Kung kayo ay meron pang alam na mga Batangueño words na nakapagpapakunot ng noo ng kausap nyo kapag nabanggit nyo, maari nyo itong idagdag sa listahan ko. Disclaimer: maari ding di lahat ng naisip ko sa listahan ko ay mga Batangueño lang ang nakaka-alam o totoong salitang Batangueño lang.

Comments